Abstract
Kilala si Carlos Bulosan (1913-1956), higit sa lahat ang kaniyang isinulat na semi-autobiograpiya na America is in the Heart (1946), kung saan kaniyang ipinamalas ang karanasan bilang isang lider-manggagawa sa Estados Unidos sa kontekstong sosyo-politikal at proletaryadong internasyonal sa panahon ng Pandaigdigang Depresiyon (1929-1939). Gayundin ang kaniyang kinaharap na diskriminasyon at rasismo sa dayuhang bansa. Gayumpaman, sa kaliwa’t kanang pag-aaral ukol sa kaniyang buhay at kaisipan, na pawang itinuon at pinagkaabalahan ng mga nahihirati sa Marxismo, Sosyalismo, panitikan, at iba pang kaugnay na perspektiba, hindi gaanong napagtuonan ng pansin ang bayang sinilangan ni Bulosan—ang Pangasinan. Bago pa man “isapuso” ni Bulosan ang Amerika, higit sa malamang, namulat siya sa kaganapang panlipunang mayroon ang mga Pangasinense. Mahalaga ang Pangasinan sa buhay ni Bulosan, una sa lahat, kung bakit niya piniling makibaka sa dayuhang lupain ng Estados Unidos. Tuturulin at tutugunan ng pag-aaral na ito ang dalawang sangay ng Bagong Kasaysayan—ang Kasaysayang Buhay at Kasaysayang Pampook. Samakatuwid, tutuon ito sa pagsasalaysay ng saysay ng isang indibiduwal sa unang banda, habang isinasakonteksto ang kasaysayang pampook bilang “bahagi ng higit na masaklaw na kasaysayang bayan” sa kabilang dako. Sa unang labindalawang kabanata ng America is in the Heart, tatahiin at palalawigin ang halaga at lugar ng kasaysayan ng Pangasinan sa formatibong panahon ni Bulosan bilang isang Pangasinense.