Manila, Metro Manila, Philippines: ADHIKA ng Pilipinas, Inc. & National Commission for Culture and the Arts (
2021)
Copy
BIBTEX
Abstract
Kasabay ng pag-unlad ng Pantayong Pananaw ang paglinang din sa Araling Kabanwahan bilang isang lente ng pagsusulong na rin ng Araling Pang-Erya. Ipinamamalas ng Araling Kabanwahan ang pag-aaral sa kasaysayan ng ibang bayan/ibayong bayan/karatig na mga bayan. Tunay nga namang hindi lamang patungkol sa sariling kabihasnan ang pag-aaral ng kasaysayan. Kailangan din nating dalumatin ang samu’t saring relasyon o ugnayan (tahasan o indirekta) ng Pilipinas sa mga karatig-bayan nito. Kung kaya’t dito uusbong ang pagtutok sa kahalagahan ng Araling Timog Silangang Asya. Isa sa mga nakikitang posibleng metodolohiya upang matunton ang kasaysayan ng huli ay ang pagbisita at paglalakbay bilang turista ngunit mayroong okular at lalim ng pagmamasid sa mga pook. Mababanaag sa papel na ito ang integral na esensiya ng tinatawag na personal na danas ng mananaliksik bilang porma ng pagkatuto/edukasyon nang siya ay magtungo sa mga bansang kabilang sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) – Kanlurang Malaysia (2014 at 2018); Singapore (2014, 2017, at 2018); Cambodia (2015 at 2017); Thailand (2015 at 2017); Brunei Darussalam (2016); Vietnam (2017); Laos (2017); Silangang Malaysia (2016); Indonesia (2018); at Myanmar (2018). Layunin ng artikulong ito na makapagbigay ng mga posibleng paksa na maaaring maging dulog sa pagtalunton, pagsasadiwa, at pagsasakasaysayan ng Araling Kabanwahan. Sa kasong ito, makasusumpong lamang tayo ng kaalaman mula sa ibayong dagat kung lalangkapan natin ng obhektibong pakikinig (pansila); pagmamasid (pang-ako); at paglalasa (pantayo). Liban dito, maaari rin itong maging panimulang hakbang upang mabago ang mababaw na pagtingin sa paglalakbay at maiahon ang kanyang antas bilang bahagi ng iskolarsyip sa pag-aaral ng kasaysayan.